Kras!
Kablag!
Sabay ang mga tunog na ito sa pagdulas at pagkabasag ng platong hawak ko. Hinigit akong bigla ng aking asawa papuntang basement. Tara ang sabi niya sa ingles. Hawak niya ang kamay ko sa madilim na hagdan papuntang ilalim ng bahay namin. Kinig ko ang yabag ng mga paa naming nagmamadaling bumaba. Yapusin ko raw ang poste at sabay akap niya sa akin at sa poste. Ang sweet naman. Brown out, poste, yakap. Equals sweet nga. Kung walang umaalulong na hangin sa labas ng bahay. Sweet kung date ito. Sweet kung may patagong kiss. Pero di nga eh. Dahil may malakas na ipu-ipong kumakatok sa pintuan. May hangin na kita kong patihayang umiihip. Yung swing sa labas kita kong umaabot na sa bubong ng garahe. Kumurap ng dalawang beses yung bumbilya. Pagkatapos tuluyan nang nag-brown out. Ramdam ko ang kapa ng kamay ng asawa ko habang mahigpit pa rin akong nakayapos sa malamig na posteng bakal. Pumikit yata ako, o sadya lang biglang dumilim. Pareho kaming walang kibo. Pareho naming hinihintay na tumahimik sa labas. Mga kinse minutos lang tumagal ang ipu-ipo pero parang nanood ako ng Schindler's List sa tagal.
Ano kaya yung tunog? Nagtanungan kaming mag-asawa. Baka may bumato sa bintana. Baka may nagkabanggaan sa kanto. Baka may nahulog na spaceship sa kapitbahay. Matingnan nga. Madilim pa rin. Wala na ang alulong ni Nora Aunor. Unti-unti naming kinapa ang hagdan at umakyat. Inatuhan ulit naming buhayin ang ilaw. Nakakapagtaka kung bakit alam na naming brown-out sisiguraduhin talaga sa mga limang click ng switch. Para bang magma-magic ang Meralco sa morse code naming ipinadala sa kapipindot sa ilaw.
Lumabas kami sa tagiliran ng bahay. Ay yung duyan lang pala ang nabiktima. May ilang halaman nabunot sa tabi. May basurahang nagtilapon. Aha, yun pala ang kinain nila kahapon. Habang nag mamanman ako sa mga nagtilapong abubot sa kalye. Nag-patrol naman ang asawa ko sa ibang parte ng bahay. Ahoy, may kamison pang nag wawagayway sa sanga ng puno. Kukunin ko sana, nang kinig ko ang matalas na tawag ng asawa ko. Sa isip ko, aba di ko naman gagamitin yon, gagawin ko lang basahan. Nang lumingon ako, di pala itong Magic Kamison ang itinatawag niya. Akala ko ay binabantayan na naman akong wag mamulot sa kalye. Nagmadali akong sumunod sa kumpas ng asawa. Sasabihin ko sanang walang gasinong pinsala ang dumaang bagyo nang tumingala ako nakaturong kamay sa itaas ng bahay namin. Nahulog ang punong mas matanda pa ata kay Pidol sa taas ng bahay namin. Wasak ang buong second floor. Napanganga ako sabay patak ng napakalakas na ulan.
Kumukulog pa nang itali ko ang plastic na para sa basurahan namin. Doon ko inilagay ang mga birth certificate namin at passport. Pati na ang ilang love letters namin. Bukod rito wala nang pakibang ang mga basang gamit. Halos lahat ay natabunan ng dingding, sanga at mangilan ngilang pugad sa dating puno sa tabing bahay. Mag-aalas dose na nang hating-gabi. Nabuhay na ang mga ilaw sa kapitbahay namin. Kami lang ang walang kuryente. Kami lang ang na-target ng tornado. Sa dinami-dami namang kapitbahay, kami lang ang pinarahan nitong unos. Kung nasa pelikula ito, kami lang ang inuulanan habang sugsog ng sikat naman ng araw sa buong kabayanan.
Nakitulog kami sa aking byenan. Tinawagan namin ang insurance para tingnan kung ano ba ang maaring sagipin. Kinabukasan, syempre maliwanag na sa labas, habang bitbit ko ang itim na trash bag, bumalik kami sa kahapon ay tahanan. Ngayon disaster area na lang. Akala ko ay may mga reporter nang magtatanong kung anong nangyari. Pero kami lang dalawang mag-asawa ang nagmasid sa kamanghamanghang pangyayari. Yung garahe namin ay binuhat ng hangin at ibinababa ng ilang dangkal. Walang danyos kundi naisod sa pundasyon. Sinubukan siguro ng garaheng gayahin yung nangyari sa Wizard of Oz. Lahat ng bintana ay nabasag. Para bang may tumayo sa gitna ng bahay at nagmala-operang kumanta habang nag-kalas kalas ang lahat ng salamin. Durog ang kama sa kwarto. May nakahigang puno dito mula sa malaking butas sa bubong. Ayan sabi ko, di na tayo uupa nang karpintero para sa skylight. Buti na nga nang gabing mangyari ito ay tumulong ang asawa kong maghugas ng pinggan. Pilit pilit ko pa syang pinatutulog dahil may trabaho kinaumagahan. Kung sakasakali di na home insurance inspector ang kailangan namin, life insurance na.
Beep beep and sabi nang trak sa harapan. May hatak na tambakan ng basura. Siya raw yung inspector ng insurance. Sisimulan na raw nilang itapon ang mga sira-sira naming gamit. Sisimulan na raw ang halos isang taong pag-babaklas at pag-bubuo ulit ng aming bahay. Agad kong binuksan ang pintuan. Nag-halungkat sa gitna ng magulong kalat. Sa loob ng isang cabinet ay isang basang photo album. Ikalawa sa naligtas mula sa ipu-ipo. Una syempre ay ang pagkakaligtas sa aking asawa.
For I know the thoughts that I think toward you, saith the LORD, thoughts of peace, and not of evil, to give you an expected end.
Jeremiah 29:11

P.S. Salamat sa post ni BluePanjeet na Global warming renders the Philippines as Asia?s tornado alley. Naalala ko tuloy ang nangyari sa aming mag-asawa noong Nobyembre 2002, habang limang buwan pa lang kaming kasal.
Original source: http://bloggityblogs.wordpress.com/?p=125